Marso 8, 2011
Zamboanga City - Ngayong araw ay ang ika-100 Pandaigdigang Araw ng Kababaihan bilang pagpupugay sa kanilang naging ambag sa ating lipunan.
Zamboanga City - Ngayong araw ay ang ika-100 Pandaigdigang Araw ng Kababaihan bilang pagpupugay sa kanilang naging ambag sa ating lipunan.
Sa mga nakaraang buwan, tayo ay ginulanta ng kaliwa’t kanang pagtaas sa mga presyo ng langis, bigas, gulay at iba pang mga batayang pangangailangan. Ang mga pagtaas na ito ay higit na nakakaapekto sa mayorya ng mga Pilipino, na sa kasalukuyan nga ay halos magkandakuba na sa paghahanapbuhay.
Subalit sa loob ng siyam na buwan na panunungkulan ni Noynoy Aquino ay wala tayong nakikitang sapat na aksyon upang bigyan ng kaukulang solusyon ang matagal nang pasanin ng mamamayan, lalo’t higit sa hanay ng kababaihan.
Isang malaking kasinungalingan lang ang lahat ng ipinangako ng Rehimeng US-Aquino noong kasagsagan ng eleksyon. Ilusyon lang ang ibinabanderang pagbabago ng kasalukuyang rehimen.
Mahigpit na ipinapahayag ngayon ng mga kabataan at estudyante, sa ilalim ng LEAGUE OF FILIPINO STUDENTS, ANAKBAYAN at KABATAAN PARTYLIST, ang aming pakikiisa sa hanay ng mga kababaihan sa ilalim ng GABRIELA.
Lubos ang aming pagsuporta sa mga panawagan sa ating gobyerno sa maraming krisis na kinakaharap ngayon ng kababaihan sa partikular at ng malawak na mamamayan sa pambansang saklaw.
• Dapat mamagitan at manghimasok na ang gobyerno para sa mas mababang presyo ng pagkain.
• Taasan ang sahod ng mga manggagawa.
• Ipatupad ang Comprehensive Reproductive Health Bill.
• Iligtas ang mga Overseas Filipino Workers na nasa mapanganib na sitwasyon.
• Ipamahagi na sa mga magsasaka ang lupain sa Hacienda Luisita.
• Itigil ang demolisyon sa mga maralitang komunidad.
• Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal at usigin si Arroyo at ang kanyang mga kasabwat.
• Katarungan para sa mga kababaihang biktima ng Japanese Military sa panahon ng World War II.
• Itigil ang karahasan laban sa kababaihan at mga bata.
• Itaguyod ang karapatan at kagalingan ng mga bata.
Mariin ding tinututulan ng kabataan ang anumang pagtaas sa matrikula at iba pang bayarin sa mga eskwelahan. Dapat ay ipatupad na agad ang Tuition Moratorium Bill na hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin sa kongreso.
Sa kasalukuyang kalagayan, nabigo ang Rehimeng US-Aquino na itaguyod ang interes ng mga kababaihan at ng mamamayan. Wala siyang pinagkaiba sa mga lumipas na mga rehimen na ang interes pa rin ng imperyalistang Estados Unidos at ng lokal na mga papet nito, ang patuloy na itinataguyod nito.
Patuloy pa rin ang laban natin sa pagtupad ng mga nasabing panawagan sa pagbasura sa kontra-mamamayang mga batas at polisiya. Subalit sa oras na binibigo tayo ng estado sa ating mga hinaing, patuloy na lalakas ang pakikibaka ng mga kababaihan at mamamayan para itaguyod at isulong ang ating mga batayang karapatan at interes.
Sa araw na ito, pinakamataas na pagpupugay ang inihahandog namin sa mga kababaihang nakikibaka para sa pambansang demokrasya. Hanggat may pagsasamantala at lumalala ang kahirapan sa ating lipunang malapyudal at malakolonyal, susulong sa daluyong ang kilusang masa ng mamamayan.
Kasama ang mga kababaihan, puspusang makikibaka at lalaban ang mamamayan para makamit ang pambansang demokrasya at lubusang maitayo ang isang lipunang pantay-pantay.
Sahod itaas, presyo ibaba!
Wakasan ang dayuhang kontrol sa industriya ng langis!
Isabansa ang industriya ng langis!
Ibasura ang Oil Deregulation Law!
Trabaho sa sariling bayan, hindi Labor Export Policy!
Mabuhay ang kababaihan at mamamayang lumalaban!
Makibaka para sa Pambansang Demokrasya tungo Sosyalismo!
LEAGUE OF FILIPINO STUDENTS ● ANAKBAYAN
KABATAAN PARTYLIST ● GABRIELA
KABATAAN PARTYLIST ● GABRIELA