Ang 'Sa Bawat Pagpatak ng Luha' ay kwento ni Carlo, isang estudyante sa UP na humaharap sa napakaraming pagsubok sa kanyang buhay. Hindi sana siya makakapag-aral ng UP dahil sa kahirapan ng kanyang pamilya, na ni pamasahe mula Zamboanga papuntang Iloilo ay wala sila. Subalit talagang pursigido si Carlo na mag-UP dahil alam niya na ito ang magiging sagot sa pangarap niyang maihaon sa kahirapan ang kanyang pamilya. Naging masaya siya dahil natupad ito. Subalit naging mali ang lahat ng kanyang mga expectations. Inakala niya na magiging okay na ang lahat pagkapasok niya sa UP. Maliban sa problema sa pamilya, mas nahaharap pa si Carlo sa isang napakalaking hamon - ang pagiging iskolar ng bayan. Pero dahil sa hamong ito, mas naging matatag si Carlo. Mas naging matapang siya. Ang pagganap sa tungkulin sa bayan ang nakikita ni Carlo na mas magiging solusyon sa mga problema, hindi lamang ng kanyang pamilya, kundi ng buong pamayanang Pilipino. Pinili niyang maging isang student activist na patuloy na lumalaban para sa karapatan ng bawat tao. Siya ay naniniwala na ang kahirapan at pagdurusa ng bayan ay hindi lahat dulot ng mga may kapangyarihan. Kung may mga mahihirap na mas lalong naghihirap at kung may isang taong hindi makakain ng tatlong beses sa isang araw, may maling nagaganap. Pero lahat ay may pananagutan sa bawat paghihirap at pagdurusang ito. Bilang UP Student, tayo ay nahaharap sa responsibilidad na ito.
Nabatid ni Carlo na walang magandang maidudulot ang iskeptisismo ng tao. Siya ay tumatawag ngayon ng pagkakaisa sa mga iskolar ng bayan. Tumatawag siya ng pagkilos na sana ay ipaglaban natin ang karapatan ng bawat Pilipino. Huwag na sana nating hintaying may magsimula ng paglaban. Simulan ito sa ating sarili. Tayo ang pag-asa ng bayan. Huwag na nating hintayin maging huli na ang lahat. Huwag na nating hintaying may magdurusa pa at maghihirap. Huwag na nating hayaang papatak pang muli ang kanyang mga luha dahil sa atin lamang nakasalalay ng kung magiging ano si Isko ngayon at bukas.
*abangan ang buong dula sa CM Play Festival sa ika-11 ng Disyembre, 2008 sa UP Auditorium.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento