Pages

Sabado, Disyembre 13, 2008

SA BAWAT PAGPATAK NG LUHA

Major Charaters


Carlo/Lider - isang UPCAT passer mula sa isang malayong baryo sa Zamboanga.

Tacio/Papang - Papang ni Carlo, 43 taong gulang

Ana/Mamang - Mamang ni Carlo, 45 taong gulang

Oble - ang makahulugang simbolo ng Unibersidad ng Pilipinas



Minor Characters


Tasha, Marie at Harold - Blockmates ni Carlo sa UPV

Miyembro - kasamahan ni Carlo sa isang mass organization sa UP



Voice

: “Isandaang taon ng karunungan. . .
isandaang taon ng pagsisilbi sa bayan. . .
isandaang taon ng militanteng pamumuhay!


Ito ay tatak ng Unibersidad ng Pilipinas – ang tahanan ng bawat Iskolar ng Bayan; Iskolar ng Bayan na hindi lamang matatalino. Ang isang tunay na Iskolar ng Bayan ay matapang – matapang para sa pagnanais na makamit ang isang tunay at purong demokrasya para sa pamayanang Pilipino.


Dahil sa tagal na pagganap sa responsibilidad sa bayan, nararapat lang na ipagdiwang ang sentenaryo nito. Ngunit sa gitna ng pagdiriwang na ito, isang mapait na katotohanan ang nais ipamulat ng aming dula.


Ang kahirapan at pagdurusa ng bayan ay hindi lahat dulot ng mga may kapangyarihan. Kung may mga mahihirap na mas lalong naghihirap at kung may isang taong hindi makakain ng tatlong beses sa isang araw, may maling nagaganap. Pero lagi sana nating tandaan, na lahat ay may pananagutan SA BAWAT PAGPATAK NG KANYANG LUHA.



SCENE I



(Curtains Open)


(Hinihingal si Carlo. Pinagpapawisan. Tumakbo kasi siya sa kanilang bahay mula sa eskwelahan niyang halos dalawang kilometro ang layo. Naabutan niya si Mamang niya na nagtutupi ng mga damit.)


Carlo


: Mang! Pang! Andito na ako! (Hinihingal.)


Ana


: O, Carlo.Hinihingal ka yata. Pinagpapawisan ka pa. May humahabol ba sa iyo? Magbihis ka nga muna doon at nang hindi ka matuyuan. (Si Carlo nagmamano.)


Carlo


: Mang, pumasa ako sa UP! Yes, Mang! Sa UP ako mag-aaral ng college!


Ana


: Talaga anak? Pero, Dong, malayo ang UP. Malalayo ka sa amin.

Carlo

: Mang?

Ana
: O, siya. Sa susunod na lang natin yan pag-usapan. Malayo pa ang graduation niyo. At saka, tulungan mo nga muna ako dito . Yung ate mo andun nag-iigib ng tubig sa may bomba kina Manang Celing kasama ang dalawa mong kapatid. Dito ka muna.


Carlo


: Di pa po ba dumarating si Papang?


Ana


: Ay, naku. Medyo madilim kanina pagtanaw ko sa may bundok. Tiyak umulan doon. Maputik na naman. Maya-maya siguro eh darating na rin iyon. Hhaayy. . . Sana lang eh nakasilong yun. Mahirap na ang magkasakit. Ah, dito ka muna at ako ay magwawalis.


Carlo


: Opo Mang. (Nagwawalis si Ana.) Kumusta na po pala ang ani sa bukid?


Ana


: Hay. . . Mahina pa rin talaga dahil sa mga bagyong dumaan. Baka hindi na naman makapag-aral ate mo next year. Kaya, ikaw Carlo, mag-aral kang mabuti, I-maintain mo lang iyang pagiging Top 1 mo hanggang graduation dahil iyan lang ang magkakatulong sa iyo sa kolehiyo. Alam mo naman na 100 % Free sa WMSU ang mga Valedictorians. (may narining na mga yapak) Papang mo sa siguro iyon. Salubungin mo nga’t ikaw na ang magdala ng kanyang mga dinadala.


Carlo


: Opo Mang. (dali-daling sinalubong si Itay. Kinuha ang dala-dala nito)


Tacio


: Hhaaayy. . Salamat Dong. Meron pa doon. Pakikuha na rin.


Ana


: O, Tacio, Basa ka. Ay naku naman. Magbihis ka nga muna doon at nang makapagpangape ka.


Tacio


: Hhaaaayy. . . (hinubad ang tshirt. Kinuha ang nakasablay na t-shirt sa sulok at sinuot) Lugi na! Paano makakapag-kolehiyo yang binata natin? Napakalaki pa naman ng pangarap niyan. Hhaaaaayyy. . .


Ana

: May awa ang Diyos. . .


Carlo


: Mang, kanina ko pa nga sana sa iyo gustong ipaliwanag. Pang, pumasa ako sa UPCAT. Sa UP ako mag-aaral.


Tacio


: Eh, narinig mo na rin lang ang pinag-uusapan namin, paano ka namin mapapag-aral sa unibersidad na yan? Yung ate mo nga eh hindi pa rin makakapag-aral sa pasukan.Gipit na talaga. Mahal na ang lahat. Pati edukasyon, mahal din!


Carlo


: Sa UP nga Mang, Pang. Nabasa ko itong buong sulat kanina. May scholarship palang ino-offer sa lahat ng pumapasa sa UPCAT. Yun bang tinatawag na ‘Iskolar ng Bayan Program’, kung saan income ng pamilya ang ginagawang basehan kung magkano ang babayarang matrikula. Sa sitwasyon ba naman nating ito, eh sigurado na wala akong babayaran. May matatanggap pa akong allowance sa UP.


Tacio


: Dong, masyadong malayo ang UP dito. At, isa pa, wala tayong perang pampamasahe mo. Anong gagawin mo tatalon mula rito papuntang. . . San ngang UP iyan?


Carlo


: Iloilo po.


Ana


: Yan, tingnan mo ang layo!


Carlo


: Pero ito lang pag-asa natin. Alam ko UP ang magiging solusyon sa kahirapan nating ito. Gagawin ko ang lahat para makapag-aral.


Tacio


: Oo, ipagpalagay nating maganda nga ang resulta ng pag-aaral sa UP. Pero tingnan mo naman Carlo, ni pamasahe, eh wala tayo. Hindi maganda benta ko ngayon.


Carlo


: Mang, Pang, gusto ko po talaga sa UP. Kung payag po kayo, eh umutang po muna tayo para sa pampamasahe ko. Ako po ang magbabayad pag nagkapera ako.


Tacio


: Ay naku tong batang to oh. (Kakamot ulo.)


Carlo


: Seryoso at desidido po akong mag-UP. Ako po ang magbabayad ng uutanging pampamasahe.


Tacio


: Hhaaaayyy. . . Wala kang makakasama papuntang Iloilo. Paano yan?


Carlo


: Pang, malaki na ako. Kaya ko na. Para rin po naman ito sa ating lahat ang gagawin kong ito.


Ana


: Siya. . . siya. . . Pag-uusapan na lang namin yan ng Papang mo. Sige na. Tapusin mo na yung ginagawa mo.



(Lights off)


SCENE II


(Lights on)



(Sa UP. Sportsfest Era)


Carlo


: Grabe no? Ang dami nang napanalunan ng Bluechips sa Sportsfest. Ang dami dyan, hay naku, wala pa rin. (Pumasok ang ,mga raliyista.) Grabe no? Sportsfest na sportsfest, eh may mga nagrarally pa.


Tasha


: Yah. . . UP eh! Heto o. May binibigay pa silang leaflets. Tungkol yata iyan sa tuition fee increase. Hhhaaayyy. . . Sabi ng ate ko sa Miag-ao na huwag na raw tayong makialam sa mga ganyan-ganyan. Gugulo lang daw buhay natin niyan.


Carlo


: Patingin nga niyan. . . (kinuha ang papel. . . binabasa) Akin na muna to ha. Tapos mo na yatang basahin eh.


Tasha


: Hah? Daaahhh! As if, binasa ko. . . It’s boring. . . as in B-O-R-I-N-G!!! Boring!


Carlo


: League of Filipino Students. . . LFS. . (binabasa)


Tasha


: Yah. . . Those who do not have other things to do in life but to rally. . . and rally. . . and rally. . . but, what then? May nangyari ba? Wala! It has been two decades ang fight for tuition fee increase. . . But look. From eleven pesos na tuition noon, it’s 1000 ngayon! OMG! You know what? This paper deserves a crumple. (Kinuha ang papel kay Carlo, tapos gin.crumple at tinapon. Phone rings.) Upz. Someone’s calling me. . . (kinuha ang phone) Oh, it’s dad. Well, it’s sermon moment. Sige, I’ll just go muna sa GCEB CR. Kitakits na lang dyan sa cafè.


Carlo


: Hindi na. Wala akong pera eh. Diretso na lang ako ng dorm at matutulog. Sige, Halong.


Tasha


: Okay. . . Halong! Bye. . . (pa-flirt flirt)


Carlo


: League of Filipino Students. . . ang mga matatapang na Iskolar ng Bayan. Sila yung mga matatapang na estudyante na nanguna sa First Quarter Storm noon sa UP sa kasagsagan ng Martial Law. Ang galing! Napakatapang talaga nila! Hmp? Magpapa-orient ako.
(Biglang papasok si Harold at Marie na may dala-dalang makakapal na papel.)


Harold


: Hoy Carlo. May pinaiwan nga pala si Sir. . . Basta yung sa Philo natin. . . Nag-iwan siya ng mga notes doon sa photocopier sa may bookstore. Yun daw yung babasahin natin para sa mga susunod na klase. May recitation daw pagkatapos.


Carlo


: Grabe naman ang Prof na yan! Unang araw pa nga lang ng klase eh may ipapaphotocopy na kaagad? Nakakainis naman.


Marie


: Ganyan nga raw dito sa UP eh! Academically-inclined talaga to the highest level.


Harold


: Ewan. Basta 22 pesos yung binayad ko. Tapos, sabi pala ng CG natin sa JPIA na i-remind daw kita ng kulang mo sa Sportsfest. 150 yata yung kulang mo.


Carlo


: Ah. . . Patay(pabulong) Grabe naman tong mga orgs na ito sa paninigil ng mga fees. Hay. . . Sige, punta na muna ako ng photocopier.


Tasha


: Okay. .! Halong. . . Babush! (umalis sa eksena)


Carlo


: Patay. . . Paano ito? 35 na lang yung pera ko dito. Tapos hindi pa dumarating STFAP Allowance namin. Haaay. . . (tiningnan ang cellphone) Mag-aalauna na pala. Hindi pa ako nagaalmusal at nanananghalian. Hhaaayyy. . . (dinama ang tiyan) Pa-photocopy ko lang ito. 35 minus 22. . . 13!. . . 13 na lang. Ibibili ko na lang to ng. . . Hmp? Wag na lang. Tiis muna. Baka may kakailanganin na namang photocopy next time.



(Lights off)


SCENE III



(Sa tambayan sa harap ng GCEB. Nakaupo si Carlo habang nagbabasa ng aklat.)


Carlo


: Hay. . Grabe pala itong napasukan ko. Akala ko magiging okay na ang lahat pag nakapasok ako ng UP. Hindi pa pala. Liban sa problema sa bahay, napakarami rin pala akong haharapin dito. Hay. . . mali lahat ng inaasahan ko. Pagod na ako. (Lilingon kay Oble) Oble! Mabuti ka pa. Hindi ka napapagod diyan. Napakamatiisin mo. (dinama ang tiyan) Sakit ng tiyan ko. Di ko na yata kaya pa kahit ang maglakad. Nahihilo ako. Haay. . . Kung may mabibili lang sana itong. . . (kumuha ng barya sa bulsa at binilang) Walong piso. Mahal kasi lahat dito sa siyudad, Pamasahe, langis, kuryente, tubig, pagkain, pati tuition sa UP, mahal. (Phone rings) Hello mang? Napatawag yata kayo?


Ana (voice-over)


: Mangungumusta lang sana dong. Musta ka na dyan? Nakapananghalian ka na ba?


Carlo


: Ah. Opo Mang. Kanina pa po mga alas onse, May klase po kasi ako 11:30 to 1. Kaya kumain muna ako bago pumasok. Kayo po dyan, kumusta po?


Ana


: Ganun pa rin dong. Tulad pa rin ng dati. Mahina pa rin yung benta. Lalo na ngayong maysakit si Papang mo.


Carlo


: Ha? Ano pong nangyari kay Papang?


Ana


: Paiba-iba kasi ang panahon dito. Ulan. . tapos biglang iinit. Init. . . tapos biglang uulan. At yung Papang mo kasi, pagdating na pagdating galing ng bukid, eh pugon kaagad yung kaharap. Ayun. Nanghina.


Carlo


: Hay. . . Eh, pinapainom po ba ng gamot si papang?


Ana


: Wala nga. Wala pang pera. Baka sa Linggo, makakahanap ako ng mauutangan para pambili ng gamot.


Carlo


: Huwag po kayong mag-alala Mang. Sabi kasi ng OSA eh baka sa Lunes maibibigay na yung allowance namin. Ipapadala ko po kaagad para maipacheck-up na at mabilhan ng gamot si papang.


Ana


: Ay, dong. Wag na. Sa iyo yan. Mas kakailanganin mo yan lalo na’t nasa malayo ka. Siyudad pa.


Carlo


: Paano po kayo nyan?


Ana


: Okay lang kami dito. Huwag mo kaming alalahanin. Tapos yung inutang natin pampamasahe mo, eh wag mo na ring alalahanin. Kung magkapera kami eh kami na rin ang magbabayad.


Carlo


: Mang, ako magbabayad niyan. Huwag niyo na po yan alalahanin. Pumasa po ako sa exam ko sa call center. Hinihintay ko na lang po ang resulta ng client interview ko.


Ana


: Anong call center ka dyan? Mag-aral ka! Huwag ka na munang magtrabaho. 16 ka pa nga lang. Focus ka muna sa school.


Carlo


: Mang, pag araw naman yung klase eh. Gabi po yung sa call center.

Ana


: Ay naku tong batang to. Paano ka nyan makakapag-aral nang mabuti? Pinapatay mo na yung sarili mo niyan!! (toot. . . toot. . . toot. . .Iiyak si Carlo.Yuyuko. . And lights off.)


SCENE IV


Carlo


: Kaya ko naman eh. Kaya kong pagsabayin lahat ng iyon. Dalawamput-araw na oras na gising? Pag araw, sa UP? Pag gabi, call center? Di ba madali lang naman? Kaya ko naman. Kung iniisip nilang hindi ko kaya, pwes, papatunayan kong mali silang lahat. Pangarap ko lang namang alisin sa kahirapan ang pamilya ko. At alam kong magagawa ko iyon. . . Kung bakit pa kasi nag-UP ako eh. Kung bakit ko pa kasi sila iniwan. Napaka-ambisyoso ko. Di sana ako ang nagtatanim sa bukid. Di sana ako ang nagbabantay at nag-aalaga kay Papang. Di sana ako ang nagtatrabaho doon at nakakapag-aral si ate. Kasalanan ko. . . kasalanan ko. . .!


Oble


: Hindi mo kasalanan!


Carlo


: Ha?. . . Sino yan?. . . Sino ka? (another spot focuses om one person) Pa. . pamilyar ka. . .


Oble


: Oo. . . Ako nga. . Si Oble. . Narinig kitang umiiyak. Darama ko ang pait ng iyong dinaranas ngayon.


Carlo


: At kasalanan ko ang lahat ng ito!


Oble


: Hindi mo naman kailangang isisi iyan sa sarili mo. Ang, ibig kong sabihin, wala kang kasalanan.


Carlo


: Anong wala? Maling-maling ako sa desisyon ko na mag-UP. Maling-mali ang desisyon ng bawat Iskolar ng Bayang tuald ko na dito mag-aral. Awang-awa ako sa kanila. Awang-awa ako sa sarili ko.


Oble


: Hindi. . . Maling-mali ang iniisip mo. Wala kang kasalanan. Ang paghihirap ngayon ang naging bunga ng kataksilan at kapabayaan ng iilan.


Kataksilan. . . Kataksilan ng aking administrasyon at ng iilan na nasa posisyon. Kung hindi sana inaprubahan ang pagtaas ng matrikula. . . kung wala lang sanang komersyalisasyon. . . kung wala lang sanang EVAT. . . Kung walang oil deregulation. . . Di sana’y hindi nahihirapan ang mga mahihirap na pamilya. . . Di sana’y walang nagugutom.


Kapabayaan. . . Kapabayaan ng iilang Iskolar ng Bayan, Halos mag-iisang siglo na akong nakatayo at nagtitiis ka makangalay-kamay na posisyon. Tinaggap ko ang bawat pagtapon at pagbato sa akin ng mga kataksilan at pang-aabuso ng mga taong nasa upuan. Pero mapalad akong sa kabila ng pagbatong ito, may mga matatapang na handang sumalo, magpatama at lumaban sa mga taksil. Kung wala ang mga taong ito, kawawa ang bayan. At sinasabi ko sa iyo Carlo, salamat dahil isa ka sa mga sumasalo, nagpapatama at lumalaban para sa bayan. Napakatapang mo. Hindi ka sumusuko sa kabila ng kaliwa't kanan mong mga problema.


Carlo


: Namulat lang ako sa kung gaano kahalaga ang kumilos. Pero, kapabayaan? Paano Oble?


Oble


: Hindi natatapos ang lahat sa UPCAT. Ang pagpasa ng UPCAT ay hindi lamang isang opurtunidad. Ang pagpasa sa UP ay isang responsibilidad at obligasyon. .


Carlo


: . . . sa bayan(umagaw eksena.)


Oble


: Tama. Isang hamon ang naka-ukit sa mga letra sa aking paanan. Sinabi ni Padre Florentino sa sinulat ni Rizal sa kanyang El Filibusterismo:



“Nasaan ang kabataang mag-aalay,
ng kanilang kasibulang buhay
ng kanilang adhikain at sigasig
sa kabutihan ng bansa?

Nasaan ang siyang puspusang
magbubuhos ng dugo
upang hugasang luriat ang ating kahihiyan
ang ating kalapastangan
ang ating kabalintuan?”



Oo, may nag-alay ng buhay. May gumanap sa responsibilidad na ito. Pero, napakalungkot isipin na marami pa rin ang hindi nakakaintindi. Marami pa rin ang bingi! Marami pa rin ang bulag! Marami ang manhid! Bingi sila sa tawag na tulong mula sa mga taong-bayang naghihirap! Bulag sila sa mga pasakit na dindaranas ng iba. Pero sige, ipagpalagay nating hindi siya bulag at bingi. Pero ano pa rin ang ginagawa ng mga ito? Nagbubulag-bulagan! Ngbibingibingihan! Sila pa naman pag-asa ng bayan. Iskolar daw ng bayan.


Carlo


: Yan nga ang napapansin ko. Mas lalong naghihirap ang bayan dahil hindi nakikialam ang ibang tao sa mga bagay-bagay ukol sa kanyang paligid. Iskeptisismo ang dahilan ng patuloy na paghihirap at pagdurusa.


Oble


: Napakamakabayan mo Carlo! Mapalad ang UP sa pagkakaroon ng gaya mong handang lumaban para sa kapwa Pilipino. Mabuhay ka Carlo! Mabuhay mga Iskolar ng Bayan! (inangat ang kamao)



(lights off)


SCENE V


(Settting: UPV City Campus Opening Exercises 2008. As usual, may rally. Galakat ang mga aktibista halin sa audience area. Pito sila kabilog. Ang ila lider gadala sang megaphone. Samtang may garally, may ara man mga estudyante galabay labay lang.)


[ang naka-italics sa baba ay ang mga pasigaw na sagot ng mga kasamahan sa rally.]


(Lights on)


Lider


:Makibaka! (Huwag matakot!) Huwag Matakot! (Makibaka!) Oil Deregulation (Ibasura!) Pabigat na E-VAT! (Ibasura!) Tuition Fee sa UP! (Ibalik sa dati!) Ibalik sa dati! (Tuition Fee sa UP!) Edukasyon! Edukasyon! (Karapatan ng mamamayan!) Karapatan ng mamamayan! (Edukasyon! Edukasyon!)


Welcome mga Iskolar ng Bayan! Ang bagong academic year 2008-2009 ay napakamakahulugan sa buong UP System. Ating ipinagdidiriwang ang ika-isandaang taon ng ating unibersidad. Subalit napakalungkot isipin na sa likod ng kasiyahang ito ay isang napakamalungkot na kwento. Ang mga bagong Iskolar ng Bayan ay siyang magdurusa sa inaprubahang pagtaas ng matrikula. Ang tanong, Bakit ganito? Hindi ba UP ay isang state university na subsidized ng gobyerno? Nasaan na ang badyet para sa edukasyon? Bakit pinagtatakpan at pinoprotektahan ang interes ng gobyerno? Bakit hindi nito kayang ipagtanggol ang karapatan para sa isang de-kaledad at murang edukasyon? Na sa unang-una, obligasyon at responsibilidad ng estado na ibigay ito sa bawat Pilipino!


Miyembro 1


: Huwag din sana nating kalimutan na ang ating mga pamilya ay nahaharap din sa napakaraming krisis: mahal na langis, mahal na bigas, mahal na kuryente, mahal na tubig, mahal na mga bilihin. Lahat Mahal! Kasama na rin dito ang isyu ng korapsyon, underemployment at political repressions.


Miyembro 2


: Na sana’y edukasyon ang maging sagot sa pangarap ng bawat mag-aaral. Na sana’y UP ang maging tulay nito. Pero, paano na ito makakamit kung kahit pati UP, na siyang tinawag na “Kolehiyo para sa mga Mahihirap” ay maikokompara mo na sa mga pribadong unibersidad na makabutas-bulsa ang matrikula!


Carlo


: Napakalungkot talaga ang mga bagay na ito lalo na ngayong ika-isandaang taon ng ating unibersidad.


(Everyone freezes. Lights off. . .)


(Lights on, but dim, seeing Carlo on the ground na nakahiga . . . spotlight focuses to Carlo)


Carlo


: Hoy! (binalingan ng pansin ang nga nagtatambay sa benches) Iskolar ng Bayan! Hindi ba dapat kumikilos ka? Di ba dapat, pinagsisilbihan mo ang bayan? Anong ginagawa mo? (tumingin sa audience) Anong ginagawa nyo? Nagbibingibingihan? Nagbubulagbulagan? Na sana’y makita nyo ang mga pagdurusa ng kapwa niyo Pilipino! Ng kapwa nyo kabataan! (may umiiyak) Di nyo ba yun dinig? May umiiyak! May humihingi ng tulong. Si Oble. Tiyak kung si Oble yan. Siya rin ay nagdurusa. Hhaaaayyy. . . Kawawang Oble. Tsk. . .tsk. . . tsk. . . Dahan-dahan siyang tinatraydor at sinisira ng sarili niyang administrasyon. Dinggin nyo siya! Hinihingi nya ang tulong nyo. Alagaan natin siya. Protektahan natin siya sa mga umaabuso sa kanya. Tayo lang ang kanyang inaasahan. Kumilos ka, Iskolar ng Bayan!


(Back to Normal)


Iskolar ng Bayan! Sama-sama tayong kumilos! Magkaisa tayong lahat! Para sa ating unibersidad! Para sa Bayan! Para sa kapwa nating Pilipino!

Iskolar ng Bayan! (Tuloy pa rin ang laban!) Tuloy pa rin ang laban! (Iskolar ng Bayan!)


Voice
: UP. . . dati'y isang pangarap lamang . . Nang natupad, ay pinagsisihan. . . Ngunit kanyang nabatid na ang UP ay hindi lamang lugar para sa matatalino. . . Dito niya natutunan ang lumaban. Hindi lamang sa sariling pangarap na maihaon sa kahirapan ang kanyang pamilya. Kundi ang lumaban para maprotektahan ang karapatan ng bawat Pilipino. Lumaban para sa mithi ng bayan. Hinding-hindi siya natitinag ng pagbabago na dulot ng oras. Kahapon ay naumpisahan ang laban. Ngayon, patuloy pa rin ang laban. Laban para sa kinabukasan. Kinabukasan ng kanyang pamilya. Kinabukasan ng kanyang sarili. Kinabukasan ng UP. Kinabukasan ng bayan Ipagpatuloy ang isang militanteng pakikibaka kahit maging kapalit nito ay ang pagpatak ng luha.


-END-

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento