Pages

Miyerkules, Pebrero 25, 2009

Mahimbing Niyang Alab

Dinig ko ang bulong ng bawat pagpatak ng ulan,
Ang sigaw ng sinag ng araw na tumatama sa lupang tigang.

Digmaan. . . Isang digmaan ng init at lamig.
Ng liwanag at dilim. . . ng lungkot at galit.
Digmaang walang kahihinatnan kundi pagtulog ng isang nilalang
sa kandungan ng isang taksil.

Iiyak. . . iiyak. . . Pipikit. . .
Makakatulog. . .Tatahimik. . .

O, Oble. . . Kawawang Oble.

Nagbago ka na nga!
Bakit ka matutulog?
Iiyak ka na lang ba at tatahimik?
Gumising ka Oble! Gumising ka!

May digmaan!
May dilim!
May galit!

Magtatago ka na lang ba dahil may digmaan?
Pipikit ka na lang ba dahil madilim?
Hahayaan mo na lang bang itago ang galit?

Oble! Oble!

Bumangon ka!
Ikaw lamang ang tanging pag-asa ng lupang tigang.

Magalit ka!
Ilabas mo ang galit na yan!
Ang galit na yan ang makapagbibigay ng liwanag
sa madilim nating daan!
Ang galit na yan ang makakapagpanalo
sa digmaang ilang siglo nang nasimulan!
Alam kong galit ka! Ipakita mong galit ka!

O, ano? Ayaw mo pa rin bang magising?
Hindi mo nga ba talaga ako naririnig?
O ayaw mo lang talaga akong pakinggan?

Di mo ba naiintindihan?
Kung wala kang gagawin, kawawa ka!
Kawawa kami! Kawawa tayo!

Huwag mong talikuran ang responsibilidad mo
Bilang Iskolar gn Bayan!
Sinugo ka upang gampanan ang nakasulat sa iyong paanan
noong ikaw ay sinilang.

“Nasaan ang kabataang mag-aalay
ng kanilang kasibulang buhay,
ng kanilang adhikain at sigasig
sa kabutihan ng bansa?

Nasaan ang siyang puspusang
magbubuhos ng dugo
upang hugasang lariat ang ating kahihiyan,
ang ating mga kalapastanganan,
ang ating kabalintuan?

Tanging yaong dalisay at walang bahid
ang karapatdapat na naging alay upang
matanggap ang kasalantaang ito.”

Winika rin ni Andres, hamon sa atin
bilang anak ng bayan, madama't gampanan natin.
“Aling pag-ibig pang hihigit kaya
sa pagkadalisay at pagkakadakila
gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.”


Huwag nang itago pa!
Huwag lamang umimik sa isang tabi
at maghihintay ng walang kasiguraduhan.
Kumilos ka habang may magagawa ka pa!
Dahil ang labang ito ay hindi makakaya
kung iilan lamang ang nakikibaka!

Oras na Oble para bumangon muli.
Ngayon, ipakitang karapat-dapat kang tawaging iskolar ng bayan.
Ngayon, ipakitang karapat-dapat kang tawaging anak ng bayan.
Ngayon, ipakitang karapat-dapat kang tawaging pag-asa
ng ating tinubuang lupa.

Tanggapin mo ang hamon!
Huwag mong hayaang supilin ka ng iyong takot!
Dahil ang labang ito ay laban
para makamit ang hinahangad nating
tunay na kalayaan!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento