Lumalalim na ang gabi
kaalinsabay ng panginig-butong ihip ng hangin
waring niyeyelo ang tila nangungulubot ng buko-buko
ng mamang ngayon ko lang nakita sa tanang buhay ko.
Ang pagbulusok ng hindi matinag na ulan
ay patuloy pa ring hinahagupit ng walang alinlangan
ang kanyang tampil-tampil na bahay na nakahandusay sa akasya
na kung iisipin mo na sa isang saglit’y kakapa na sa lupa.
Dali-dali niyang dinampot ang timbang na inaagnas
bakas ang mga taong pinagsisilbihan ang kugong bahay niya
patungo sa sahig na yakap na yakap ng basa
mula sa kisameng tadtad na ng butas.
Nagngingitngit ang paligid sumasabay sa kanya
isang pangyayari na lang hinihintay niya
upang umagos mga butil ng luha
mula sa malalamya ngunit patay ng mga mata.
Nag-uugod ugod na hinarap ang inaalikabok na salamin
dati pang sinabit sa dingding ng anak na giliw
ngunit ngayo’y nilamon na ng gahamang ahas
bundat ang tiyan’t bulsa sa pang-aalipusta ng kapwa niya sakada.
Kalamna’y biglang tinawag ng rekatangulong lamesa
bulok, inaanay at ang isang paa’y putol na
ngunit nagdalawang-isip kung ipagpapatuloy pa
ang paghakbang ng dalawang paa, gayong walang
lamang pinggan ang alay ng hapag.
Sa kakarampot na nwebe at sengkweta sentimos
sinusuhol niya sa kada araw na pag-aalay ng pawis at dugo
habang ang amo’y nakaupo’t nagtutungga ng pulang alak
Ano nga bang hapag inaasahan mo sa tuwina?
Nagbuntong-hininga at napapikit ng mata
lusak ng pait at hapding dala ng kahapon’y
tanikalang gumagapos sa pusong kahit labnos na ay umaasa pa ring
pakikinggan ng ganid na panginoong maylupa
na binalibag ang pahat niyang dalaga.
Hanggang ngayo’y si Satanas pa rin siya
sa di-makataong pagyurak sa kanila
Habang nakikibaka sa kalsada kasabay ng mga kasamahang
nananawagan ng agarang lunas at hustisya
hinablot niya mapuputing saplot ng minamahal na anghel.
Setentasais na siyang nanggagapas ng nagtataasang tubo
At setentasais na rin siyang hinihigop ng delubyo
Malawig na mga taong ginagahasa kanilang pagkatao
Hindi lamang ng masabang maylupa kundi
Ang semikolonyal at semipyudal na sistema minementena nito.
Noon pa ma’y lupang pinaglaanan ng mapupulang mga patak
Ang pilit pinagsisigawan sa sosyodad
At hanggang ngayo’y yun pa rin bukambibig
Ng mamang ngayon ko lang nahagilap
Ang mga inuusal ng bibig at gawi.
Sa maikling oras na sinilip ko buhay niyang yaon
di maikakailang isa lamang siya sa pagkarami-raming
proleteryat na kailangang manawagan at ipaglaban
ng mamamayang Pilipinong mulat sa kabulukan ng sistema
at pilit na humahawak sa prinsipyong paglingkuran ang mamamayan.
Akda ni:
MERILLE BENEDIAN
Pangkalahatang-Kalihim
ANAKBAYAN - UP Visayas Miag-ao Chapter
“Ito po ay bilang pagsuporta sa laban ng mga magsasaka hindi lamang sa HaciendaLuisita ngunit sa lahat ng mga magsasakang patuloy pa rin pong ipinagsisigawan ang genuine agrarian reform at lalung-lalo na po sa mga kapatid nating nakokontentong manahimik na lang sa isang sulok..panahon na po na tayo ay makisangkot! STP!”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento