Maraming mga bagay ang pumapasok sa isip namin kung ano talaga ang malalim na kahulugan ng aming paglalakbay na iyon. Kasi para sa amin, hindi lamang ito basta isang activity para matuto at masubukan ang kaalaman namin sa pagbabasa ng mapa. May mas malalim pa dito.
Nahahalata lang namin na halos lahat ng pinuntahan naming lugar ay puro pugad ng kalungkutan at dalamhati. Ang tulay, dumpsite, calle real, Rotary Park at sementeryo ay puno ng sakit at lungkot. Ito ay aming nabatid habang ginagawa ang paglalakbay.
Ang tulay na nagsilbing pugad ng mga mahihirap tulad ni Manang Flor ay nagsilbi ring saksi sa bawat luha na pumapatak. Sa gabing madilim at maulan, tanging tulay lamang ang nagsisilbing proteksyon sa malamig na kapaligiran. Lubhang kahabag-habag.
Ang dumpsite na nagsilbing yaman ng mga taong namumulot ng basura ay nagsilbi ring saksi sa bawat pagsisikap ng tao para mabuhay. Ang bawat butil ng bigas na kanilang kinakain ay galing sa makaperwisyong mga basura. Basura ang naging buhay ng mga taong ito. Basura ang nag-iisang taga salok ng pawis ng pagsusumikap upang mabuhay.
Ang Calle Real na nagsilbing tahanan ng kayamanan at kasaysayan ay nagsilbi rin na libingan ng kayamanan at kasaysayang ito. Ang kalye na naghahanap ng pagpapahalaga mula sa mga taong may hawak sa kanya na sana ay mabuhay muli ang nailibing na kayamanan at kasaysayan. Naway dinggin ang tawag nito, ang pag-iyak na dulot ng pagbabagong pantao.
Ang parkeng naging saksi sa kaligayahan ng bawat pamilya ay naging saksi rin sa mga krimen at gulo. Ang silakbo nito para sa isang pagbabalik naway bigyang-pansin. Ibalik ang ngiti at luha ngayon ay isantabi.
Naging simbolo na ang sementeryo ng isang pagtatapos at isang bagong simula. Maaaring ang pagtatapos na ito ay magdulot ng kalungkutan at hindi katanggap-tanggap na simula. Aming napagtanto na hindi lamang ito isa basta-bastang paglalakbay lamang. Kasi para sa amin, ito ay pagmumulat sa kung ano ang tunay na mukha ng kalungkutan. Kami ay naging saksi sa isang sitwasyon kung saan ipinakita sa amin ang katotohanan na maari naming gamitin upang kami sa aming sarili ay may magagawa upang mawala ang limang patak ng luha.
-End-
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento