Heto na kami nagmamartsa papunta sa una naming destinasyon. Ang Mandurriao Bridge ay nagkokonek sa Iloilo City Proper at Mandurriao. 9:27, eksaktong nasa labas na kami ng teritoryo ng UP Visayas… lakad… lakad… papicture… papicture…
Tawa lang kami nang tawa kasi pictorial pa rin habang tumatawid sa daan pero alam naming lahat na kinakabahan din naman ang bawat isa sa amin. Papalapit na kami nang papalapit… Paano kaya kung hindi nila kami tanggapin? Paano kung ipagtabuyan nila kami? O di kaya ay mahiya sila sa amin? Bahala na.
9:35 na nang narrating namin ang unang pit stop. Kitang-kita naming kung gaano kaputik sa ilalim ng tulay. Kita rin namin ang mga batang hindi lang nagtatampisaw. Sakay sila ng mga sakong laman ay styro at namangmangka, gamit nila ang kanilang tsinelas at mga tira-tirang karton bilang sagwan. Kitang-kita rin ang mga plastic na basura sa ilog. Pilipinong pilipino talaga!
Bumaba kami. Hindi naming inakalang may nakatira pala talaga sa ilalim ng nasabing tulay. Una, di namin agad nakita ang tao. Andun pala siya sa loob mismo ng bahay at naglalaba. Madilim sa loob at tila magigiba na nang umakyat kami. Napagdesisyonan naming hindi lahat ang umakyat kasi mahirap na. Baka kami pa ang makasira sa bahay nila. Nang tiningnan namin ang bahay, nahalata naming gawa ito sa tira-tirang kahoy at yero. Ang sahig naman ay ganun din. May kawayan at kung anu-ano pa para lang may magawang sahig. Maliit na ang bahay at napakasikip pa. Mas malaki pa yata ang sa kalahati ng isang kwarto sa dormitoryo sa bahay na yun.
Sa loob, nakita naming si Manang Flor na naglalaba. May pito siyang anak subalit ang kinikita niya sa pagtitinda malapit sa UPV ay sapat lamang para ibili nilang mag-iina ng bigas. Nagpapasalamat naman siya kasi kahit papaano ay walang nagkakasakit sa kanyang mga anak. Sariwa naman daw ang hangin at saka sanay naman daw sila sa lugar.
Bagaman sa mg salitang binitawan ni Manang Flor ay hindi namin maikukubli ang habag. Naitanong na lang namin kung bakit may mga taong sobra-sobra ang karangyaan sa buhay at narito naman ang mga taong sadlak sa kahirapan. Hindi namin akalaing ganito kami kaswerte sa buhay naming ito. At ang swerteng tinatamasa namin ngayon ay hindi dapat ipagsawalang bahala.
Kung ang bigas ang tanging maidudulot na kabuhayan ni Manang Flor, sa aw ang Diyos, may ulam na handog ilog. Sa aw ang Diyos ay nakakahuli pa sila ng isda sa ilog na hindi ilog. Kung titingnan natin, ang ‘Iloilo River’ ay ekstensyon lamang ng dagat. Ngunit nakakalungkot isipin na ang mga isdang ulam ng pamilya ni Manang Flor ay inu-uniti-unti na ng mga basura. Ngunit alam naman nating dahil sa kahirapan ng buhay, wala nang pagpipilian sina Manang Flor kundi ang manirahan sa ilalim ng tulay.
Habang kinakausap nina Dina, Marra at Rachel si Manang Flor at kumukuha ng pictures si James, ang iba ay panay ang tingin sa mga batang nagtatampisaw sa dagat. Tinitingnan-tingnan pa nila kung ano talaga ang nasa ilalim mismo ng tulay. Kasi para daw putik o bato.
Kung titingnang maigi ang lugar, walang kuryente at pahirapan ang pagkuha ng tubig. Ang mga tila tulay ay kakikitaan ng mga hindi makilalang shell organisms. Patuloy pa rin ang mga bata sa kanilang paglalangoy habang ang mga basura naman ay nasa paligid lamang mismo nila na lumulutang-lutang. Grabe ang tingin sa amin ng mga bata… para bang mga artista kami… Heto pa si James na pakuha-kuha ng pictures sa kanila. Yan tuloy.. Lumala ang hiyawan ng mga fans! (hehehehe).
Ngunit batid namin na sa likod ng ngiti ng mga bata ay isang luha na walang patid ang daloy. Bakas nito ang kalungkutan na nasa kanilang mga mukha. Isang kalungkutang natatakpan ng mga ilusyong ngiti.
Naalala tuloy namin ang sinabi ni Manang Flor. “Kung indi lang guid kami pigado, indi kami mag-istar di.”(Kung hindi lamang kami naghihirap, hindi kami titira dito.)
Alas 9:50 ng umaga… Nagpaalam na kami kina Mang Flor at pumunta kami sa kabilang dulo ng tulay. Martsa na naman… papicture-picture ulit.
Pagbaba namin, nadatnan namin ang isang nanay na naglalaba at tinutulungan ng kanyang tatlong gulang na anak. Buong akala talaga namin babae ang batang iyon. Kasi nga nakasuot pambabae siya.
Nakatayo lamang kami at nakikinig habang kausap ng manang ang dalawa sa aming kasamahan. (Bagamat pumayag siya na sabihin sa amin ang ang kanyang tunay na pangalan, nakiusap siyang hindi ito isulat sa aming paper).
Bagong lipat lamang ang pamilya nila sa lugar na iyon. Taga Tapaz sa Capiz talaga sila nakatira. Nabubuhay sila sa pagtitinda ni manang sa PAG-IBIG habang ang asawa naman niya ay nagtatrabaho sa Marina. Mahirap ang tubig sa ilalim ng tulay. Di Usapang tubig, buti naman daw at hindi umaapaw ang tubig sa tulay ayon kay manang. Maliit at masikip ang tinitirhan nila. Nagulat nga kami kasi sabi ni manang ay may nakatira pa daw sa dulo ng kanilang barong-barong.
Nang papunta pa lang kami, nakatawag na ng pansin ang mga basura na nag-uumapaw sa isang balsa. Malugod kaming nagpaalam at nagpasalamat. Pinuntahan namin ang mga taong malapit doon sa balsa ng mga basura. Ang saya ng kinaroroonan nila kasi nasa dagat mismo!
Dumaan pa kami sa isang tulay. Nakakatakot ang pagtulay namin doon. Lalong-lalo na si Iris kasi talagang takot na takot siya at nagpatawag pa ng ‘escort’ para tumulong sa kanya! Isa pa ang iniisip namin nang mga oras na iyon. Paano kung bumigay ang bangka? Eh di mababasa kaming lahat!
Kinausap namin ang mga tao doon. Napag-alaman naming mga coast guards pal ang John B. Lacson Maritime Institute Foundation ang umookupa sa bangkang iyon. Gumagawa sila ng net panghuli ng mga isda. Meron namong nagluluto. Inalok pa nga nila kami ng miryenda ngunit iyon ay aming tinanggihan sapagkat kalabisan na ang pagtanggap ng miryenda. Masarap sanang tanggapin na ang kanilang inaalok sa ibang pagkakataon. Pero lubos talaga ang aming pasasalamat na sila ay aming nakapanayam.
Napag-alaman din naming inumpisahan nila ang paglilinis sa ilog noong Marso 17, 2002. Mahigit 100 toneladang basura ang kanilang nakuha. Minsan pa nga raw may mga taong sakay ng sasakyan ang nagtatapon ng basura sa ilog . At napag-alaman pa namin na ang balsa pala ng mga basurang iyon ay galing pa raw sa may Molo Area.
Isa sa mga aksyon ng lokal na pamahalaan ay ang alisin ang mga taong naninirahan sa ilalim ng tulay. Hindi namin alam kung ano ang iisipin sa bagay na ito dahil hindi rin namin lubos maisip kung ano ang kahihinatnan ng mga taong naninirahansa ilalim ng tulay. Pagkatapos ng ilang sandali ay nagpaalam na rin kami.
Alas 10:21 na! Paalis na kami. Naunang tumulay si James kasi nga siya ang kumukuha ng mga litrato namin. Sa hindi inaasahang pangyayari, hindi na naman gumagana ang kamera namin. Nalaman namin na lowbat na pala ito at kinakailangang i-charge muna. Panibagong problema na naman!
Tumigil kami at napaupo muna sa pag-iisip sa isa pang plano. Sa kakaupo namin, naabutan na kami ng kabilang grupo.
Napagkasunduan namin na bumalik si James kasama ang isa para ibalik ang kamera sa dorm. Babalik sila pagkatapos macharge ang baterya. Subalit iyon ay aabutin ng sampung oras.
Nainis talaga kaming lahat kasi hindi agad sinabi ni Ruthchel na may kamera pala ang celfon niya. Gggrrrr!!!! Di sana ay sama-sama kaming pumunta sa ikalawang pit stop.
Naisip namin na ang saya pala ng tanawin sa tulay. Ang ganda ng tubig sa tuwing sinasalamin nito ang sikat ng araw na tila kumukutikutitap gawa ng alon. Gayundin ang mapulang kulay nito sa tuwing paglubog ng araw na hindi mo aakalaing sa ilalim nito ay pamilyang sagad sa kahirapan, mga basura ng kaunlaran at mga taong pilit nagpapanatili nitong kagandahan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento